Bespren
ni Betty La Fea
Ni:
Bakekang
Ayon
sa bibliya, ang tao ay nilikha ayon sa mukha ng Panginoon. Sa madaling sabi, sa
mata ng Diyos, lahat ng tao ay magaganda.
Subalit, iba ang nakikita ng
mga mata ng tao. Para sa atin, tunay na may pangit. Ang mga mata kasi ng tao ay
natatakpan ng makamundong bagay kaya nahihirapan tayong makakita ng tunay na kagandahan
ng isang tao.
Aminin man natin o hindi, ang
mga hindi kagandahan ay ginagawang parang clown, pinagtatawanan kahit hindi
naman nakakatawa ang mukha nila. Sila ang nagiging sentro ng atraksyon, hindi
dahil sila ay nakakaakit, kundi dahil ang mukha nila ay kaiba sa lahat at dahil
sa kaibahan nito, mahirap itong intindihin.
May mga tao naman na
nabiyayaan ng magandang kalooban at mabait sila sa mga pangit. Siguro ay
naniniwala sila sa kasabihang, “Be kind to animals”. Ang mga ganitong klaseng
tao, yung mga mababait sa mga kauri ni wako-wako, ay parang Philippine eagle,
kokonti na lang at malapit ng mawala.
Karamihan ng mga tao ngayon,
sumang-ayon man kayo o hindi, ay pinandidirihan ang mga pangit na para bang may
dala silang mikrobyo at pwedeng mahawa sa kapangitan nila.
Kahit anong gawin natin, ito
ang katotohanan. Ang mga pangit ay itinuturing na walang puwang sa mga
magagandang bagay na mayroon ang mundong ito.
Malaki ang diskriminasyong
nararanasan ng mga di-kagandahan. Marami sa mga oportunidad na dumarating ay
kagandahan ang isa sa mga basehan. Kahit magaling, basta pangit, pasensya na.
Ito ang masaklap na katotohanan na kinakaharap ng mga barkada ni Imang.
Isang kaklase ko ang nagsabi
na mas okay daw yung maganda kahit pangit yung ugali kaysa pangit na may
busilak na kalooban. Kasi raw, ang ugali, kapag idinaan mo sa dasal, maari pang
magbago. Ngunit ang pangit, malabong magbago kahit araw-araw ka pang pumunta ng
simbahan. Natawa ako sa sinabi niyang yon.
Pero, hirit pa ng isa ko pang
kaklase, mas pabor siya sa pangit kaysa sa maganda. Kasi, pagpumangit pa lalo
ang pangit, parang wala lang nangyari, samanatalang ang mala-Diyosang
kagandahan, pag-pumangit, tiyak lahat sa kanya, magababago.
Maging ako, tropa ko rin sila
Bakekang, at nararanasan ko rin ang mga panglalait na nabanggit ko kanina. Minsan,
naiisip ko na hindi nga patas ang buhay. Masakit, oo. Pero dahil dito, mas
pinagbubutihan kong gumaling at magtagumpay sa napili kong karera, hindi yong
karera ng kabayo ha?
Gusto ko kasing ipakita sa
lahat na kahit ganito ang mukha ko ay may maipagmamayabang naman ako. Gusto
kong ipamukha sa nanglalait sa`kin na hindi ang mukha ang sukatan ng tagumpay.
Sa totoo lang, ang kagandahan
na ating nakikita sa panglabas ay hanggang sa balat lang, kukupas din. Ang
tunay na kagandahan ay nasa kalooban at tumatagos sa puso, at iyon ang mas
mahalaga. Ang problema nga lang, kung ano ang mahalaga, iyon ang hindi nakikita
ng ating mga mata.
Kung ang mga mata lang natin
ang basehan, may mga tao talagang maituturing na bespren ni Betty La Fea.
Ngunit kung ang ating mga puso ang hahayaan nating makakita, tulad ng tingin ng
Diyos sa atin, lahat tayo ay maganda.